Tabon stones NINUNO MO, NINUNO KO:  Paghanap sa mga Unang Tao sa Pilipinas

Mga Gamit Na Bató Ng Mga Pilipino
The Stone Age in the Philippines

Walâ pang 10 por ciento ng mga gamit (artefacts) ang natuklás na. Ano-anó ang itinaním, at inani, nuón?
Anó ang mga hayop na hinuli, kinatay at kinain? Matagál pa bago natin mabuô ang isáng sapantaha (theory)
na makasa-sagót ukol sa mga gawî at urì ng buhay ng mga tao sa Pilipinas nuóng unang panahón...
--Eusebio Dizon, National Museum of the Filipino People

MULÂ 1962 hanggáng 1968, nagsaliksík sa Palawan ang pangkát ni Robert Bradford Fox, pinunò nuón ng anthropology division ng National Museum of the Philippines. Inuna nilá ang mga yungíb (cuevas, caves) sa Lipuun, malapit sa kabayanan (town) ng Quezon, lalo na ang cave complex sa Tabon, matayog at malakíng bangín (pricipicio, cliff) na animo umahon sa sahíg ng lupa, sa tabí ng dagat. Sunud-sunód niláng nahukay, Ice Age Philippines mulá mahigít 1 metro hanggáng 7 metro sa ilalim ng sahíg ng yungíb, ang 5 pinamahayan (habitation levels) ng mga Unang Tao (prehistoric people) mulá nuóng 30,000 taón hanggáng 9,000 taón sa nakaraán.

Nuóng buóng panahóng iyón - 21,000 taón - hindî katabí ng dagat tulad ngayón kundí 35 kilometro ang layo ng dagat sa Tabon dahil tag-ginaw (Ice Age) nuón at bumabà ang dagat (sea level), kayâ walang natagpuáng butó ng isdâ anumán. Marahil kayâ rin 5 lamang ang tumpók ng mga kagamitán (instrumentos, tools) at pinagtabasang bató - malayo sa tunay o palagiang tahanan, ginamit lamang ang mga yungíb bilang paggawaan (fabrica, manufacturing), at upang manghuli (cazar, hunt) ng hayop. Maraming natagpuáng butó ng maliliít na hayop: mga ibon at panikì (murciélagos, bats), baboy at isang urì ng usá (ciervo, deer) na naglaho na (extinct). Maniwaring waláng malakíng hayop na nakaratíng nuón sa Palawan, at waláng natagpuáng kagamitáng gawâ sa butó.
[Sa libís ng Cagayán, sa hilaga ng Luzon, ginawáng karayom (aguja, needle) na pangtahî ang mga butó.]

Napuna rin nina Fox na sa 21,000 taón itinagal ng paggamit ng bató, bahagya lamang nagbago ang hugis at gawî (estilo, technique) ng paggawâ. Hawig (similar) ang mga kagamitán sa mga ginawâ nuóng unang panahón din sa mga ibáng puók sa Indonesia at Malaysia, pahiwatig ng malawak na ugnayan at lakbayan ng mga Unang Tao sa silangang timog (southeast) Asia. Napuná ng mga nagsaliksík (researchers) na kaibá ang anyô ng mga gamit na bató sa China at Japan nuóng panahón ding iyón, Hikaw at paniwalâ ngayón na hindî naka-ugnáy ang mga tao duón kundî nitóng 10,000 taón na lamang sa nakaraán.

Sa dami ng mga tinapyás na bató at mga pinagtabasan (cores and waste flakes), maliwanag na ang yungíb ay paggawaan (factoria, workshop) ng mga kagamitáng bató. Gawî sa Europe at ibá pang bahagì ng daigdíg, naghugis ng malaking tipák na bató (core) ang mga unang tao at mulá rito, paulit-ulit na tinapyás ang maraming matalím na panghiwà (cutters). Gawî rin sa mga ruón na kapág pumuról ang talím ng panghiwà, kinikiskís uli (retouched) upang magamit ulî.

Kaibá ang natagpuán sa mga yungíb sa Palawan. Hindî hinugis kundî bastá tinapyás ang bató at iyón na mismo, patí na ang natapyás, ang ginamit na panghiwâ. Bihira din natagpuán ang mga panghiwâ na kiniskís ulî. Maniwaring bastá itinapon na lamang ang panghiwâ nang pumuról na, at tumapyás na lamang ng bagong bató. Batong palakol

Bangkáy ng Isáng Lalaki

Isá sa mga unang natuklás nina Fox sa Tabon ay isáng lalaking inilibíng (buried) nang nakabaluktót (agacharsiado, flexed) sa yungíb ng Duyong 5,100 taón sa nakaraán. Ibinurol siyáng kapiling ng isáng batóng darás (stone adze) na hugis Duff type 2, at 4 pang gawâ sa kabibi (concha, shell) ng Tridacna. May ibá pang ginawâ rin mulá sa talukap ng pagkaing dagat (shellfish): 2 hikaw (pendientes, ear discs) at isáng kuwintás (colgante, breast pendant) na gawâ sa puwít ng kabibing Sisidlan Conus, at 6 maliít na sisidlán (caja, container) na gawâ namán sa kabibing Arca. Tapos, natuklás ang ibá pang mga kagamitáng kabibi na 6,300 taón namán ang tandâ. Hawig lahát ng itó sa mga nakaraáng kagamitáng kabibi na natagpuán din sa Sulu at ibá pang puók sa Palawan. Ang pinaka-matandáng tumpók ng kagamitáng bató na natuklás ay 337 piraso ng batóng buháy (chert). Bandáng 23,000 taón ang nakaraán mulá nang iwanan ang mga itó sa yungíb.

Naiwan din duón ang isáng piraso ng bungô (cráneo, skull) ng tao, kasing tandâ o maaarì, sa pagsurì ng mga aghám, na mas matandâ pa. Itó, kasama ng iláng piraso pa ng kalansáy ng ibáng tao, ang tinatawang ngayong Tao ng Tabon (Tabon Man).

Nakaraang kabanata                     Balik sa itaas                    Lista ng mga kabanata                     Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                     Susunod na kabanata